Entries for June, 2008

June 23rd, 2008

ISANG TUGON.

(insert name here),

          Matagal ang aking tugon sa iyong liham. Aaminin kong nabawasan ang bigat na nararamdaman ko pagkatapos mabasa ang tinipa mong tinta. Tama, hindi tayo magkakilala sa totoong buhay kaya ang isang hindi pagkakaunawaan na nauwi sa batuhan ng masasamang salita na nagpapadumi lang sa interweb ay hindi karapat dapat. Lalo na`t malabo ang dahilan kung bakit nagkaganoon. Lalo na`t ang ugaling gayun ay gawain lamang ng mga maledukadang mga nilalang. At tama, hindi tayo ganun.

          Lubos kong inisip kung tutugon pa ba ako o hindi sa iyong naisulat. Noong una naisip kong wag na lang tumugon dahil tapos naman na ang anumang "alitan" at batuhan ng salita. Pero hindi pa rin ako mapanatag. Hindi dahil sa mas gusto kong nasa akin ang huling salita, gusto ko lang klaruhin ang mga "isyu". Mahirap para sa akin ito dahil naisip kong napaka walang kakwentang kwentang dahilan ang "isyu" at mas karapat dapat lang na ibaon sa limot ang mga dahilan dahil matagal ng nangyari. Ang nakakatawang/nakakbusar pa dun, nagbabangayan tayo ni pangalan ng isa`t-isa hindi natin mabanggit. Isang karuwagan. Patunay lamang na ang alitang naganap ay hindi na dapat nangyari pa. Aaminin kong kung nagkakilala tayo sa ibang paraan, nararamdaman kong naging maayos sana ang pakikitungo natin sa isa`t-isa mula noon hanggang ngayon.

          Hindi ko alam kung paanong nangyaring nalaman mo ang tungkol sa bagong mumunting espasyo kong ito sa interweb. Dahil mula nung nawala ako sa sirkulasyon at nawalan ng gana upang magsulat ng mga kung anu-anong kabalbalan ng utak ko, iisa na lang ang nakasubaybay pa sa sari-saring espasyong nagawa ko sa interweb. Pero labas ang isyung yun dito. Pero nagpapasalamat ako sa sinabing mong munting paghanga, hindi ko inaasahang manggagaling yun mula sa`yo.

          Sayang ang dapat sana ay magandang pakikitungo natin sa isa`t-isa. Aaminin kong umaasa akong sana ay maibalik kung anumanang "tipo ng ere" sa pagitan nating dalawa, walang alitan, walang masasakit na salita, kaswal. Kahit pa nga ba nagkaroon na "lamat" at nabitawan na ang mga hindi dapat bitawang salita, naniniwala pa rin ako sa kapatawaran ng pagkakamali. Hindi ko gawain ang humingi ng tawad pero dahil sa alam kong may mali akong nagawa sa`yo na hindi naman talaga dapat humantong pa sa katarantaduhan, humihingi ako ng abiso.


Tetet
Posted by Tetet at 03:13 PM | go on, kvetch.